Dumating sa Kamara ang ikatlong grupo ng complainants, na binubuo ng mga kilalang kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaalyado ng mga Duterte.
Sa pagharap ng grupo sa media, inihayag ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner, Atty. Manuelito Luna, ang mga indibidwal na naghain ng ikatlong impeachment complaint laban kay Marcos, na kinabinilangan nina former cong. Mike Defensor, former Cong. Jacinto Paras, Atty. Ferdinand Topacio at iba pa.
Aminado si Defensor na inasahan na nilang magkakaroon ng problema sa mismong araw ng paghahain nila ng reklamo laban sa Pangulo.
Dahil dito kinondena ng grupo ang hindi pagtanggap ng Office of the Secretary General ng unang inihaing impeachment ng progressive groups at ilang partido mula sa Makabayan Bloc kaninang umaga.
Anila, malinaw na nakasaad sa house rules ng Kamara na hindi dapat tanggihan, harangin o iantala ng Sec. Gen., sa ilalim ng kanyang ministerial duty, ang mga ihahaing reklamo.
Nilinaw naman ni Paras na hindi sila nag-iwan ng kopya ng kanilang impeachment complaint sa tanggapan ng SecGen, kagaya ng ginawa ng progressive groups kaninang umaga.
Hindi naman idinitalye ng grupo kung sino ang mag eendorso sa ikatlong impeachment complaint na ito, ngunit kanilang sinabi na tatlong batang kongresista umano ang susuporta sa reklamo.
Nakapaloob din sa nasabing impeachment complaint ang umano’y high crimes, graft and corruption, betrayal of public trust at iba pa laban sa Pangulo.
Matatandaan ngang kaninang umaga ay dismayadong lumabas ng SecGen’s office ang grupong Bayan dahil hindi tinanggap ni Executive Director Mormoi Salonga ang impeachment complaint, dahil iginiit nitong wala syang awtoridad na tanggapin ang nasabing reklamo. | via Judea Bernardo
