Ika-7 suspek sa hazing rites sa Cavite, sumuko

Matapos pangalanan at bigyan ng tatlong araw para sumuko ni Interior Sec. Jonvic Remulla ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi na sangkot sa pagkamatay ng 1st year maritime student na si Mark Kenneth Alcedo noong Marso 4, umabot na sa pito ang nasa kustodiya ng pulisya.

Kagabi, sumuko sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-NCR) si Dar Sabilona kasama ang kanyang abogado na si Jayve Grospe. Isa siya sa mga pinangalanang may partisipasyon sa isinagawang initiation rites sa biktima.

Ayon sa abogado, 26-anyos si Sabilona at alumnus ng PNTC Colleges kung saan nag-aaral ang biktima.

Nakatakda na sanang sumampa sa barko si Sabilona bilang seafarer, ngunit hindi na ito matutuloy matapos ang nangyaring insidente.

Giit pa ng abogado, handang makipagtulungan ang kanyang kliyente upang malinis ang kanyang pangalan at maipakitang wala itong direktang partisipasyon sa hazing.

Samantala, hinihikayat pa rin ng pulisya ang natitirang labing-isang suspek na sumuko na sa awtoridad.

Ayon kay PNP CIDG NCR Director, Col. John Guiagui, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pinangalanang sangkot sa insidente sa General Trias.

Dagdag pa ng opisyal, kapag nailabas na ang warrant of arrest laban sa mga suspek, handa ang CIDG na hanapin at arestuhin ang mga ito. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *