ICI, mananatili hanggang matapos ang imbestigasyon

Mananatiling aktibo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa kanilang mandato.

Ito’y hanggang matapos umano ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa anomalous infrastructure projects.

Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, malinaw na nakasaad sa Executive Order No. 94 na mananatili ang komisyon hanggang matapos ang kanilang mandato o kapag binuwag na ito ng Pangulo.

Dagdag pa niya, hihiling pa sila ng karagdagang budget sa 2026 para maipagpatuloy ang kanilang trabaho.

Nakikipagtulungan din umano sila sa Senado sa pagbuo ng panukalang batas para sa isang Independent People’s Commission.

Matatandaang sinabi rin ni ICI Chairperson Justice Andres Reyes Jr. na kung hindi man sila magtagal ay may bubuuin namang isang mas makapangyarihang komisyon, sakaling maipasa ang batas tungkol dito.

Samantala, naglabas ng subpoena ang komisyon laban kay dating Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina Cabral para sa susunod na pagdinig sa December 15.

Isa si Cabral sa idinadawit sa umano’y budget insertion at kickback sa mga maanomalyang proyekto sa ahensya. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *