Hindi pa maaaring magbigay ng anumang referral ang Independent Commission for Infrastructure o ICI kaugnay ng imbestigasyon nito sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay ICI Special Adviser Rodolfo Azurin Jr., kulang pa sa bilang ang kanilang mga komisyoner kaya hindi pa ito makakapag-refer ng mga bagong impormasyon sa Office of the Ombudsman.
Sa kasalukuyan, si ICI Chairperson Andres Reyes Jr. na lamang ang natitirang komisyoner ng ahensya matapos magbitiw sa puwesto sina dating Commissioners Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo.
Nag-resign si Singson noong Disyembre 2025 dahil sa health at security matters habang sinabi naman ni Fajardo na natapos na niya ang mga tungkuling nais niyang gampanan bilang parte ng ICI.
Sa kabila nito, tiniyak ni Azurin na patuloy nilang ihahanda ang mga dokumento at ebidensya upang maging handa ang mga ito sakaling madagdagan na ang mga komisyoner at maaari nang isampa ang mga nararapat na referral. | via Judea Bernardo
