Huwag maalarma sa ‘super flu’ —DOH

Hindi dapat mabahala ang publiko hinggil sa pagkalat ng tinatawag na “super flu” sa ibang bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa datos, may naitala nang 17 kaso sa Pilipinas ng bagong flu variant noong nakaraang taon at lahat ng nagkaroon nito ay gumaling na.

Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, ang mga kasong ito ay na-detect na noong Hulyo at Agosto, kasunod ng mga ulat mula sa Estados Unidos.

Aniya, ang influenza ay isang seasonal disease at kadalasang hindi nakakaalarma, maliban na lamang sa mga nasa high-risk group gaya ng senior citizens, may sakit na, at mahina ang resistensya.

Giit ni Herbosa, mas matindi ang flu outbreak sa US at UK dahil sa matinding lamig ng winter, na nagpapabilis ng hawaan at nagpapalala ng sintomas.

Sa Pilipinas naman, lumalaganap ang trangkaso tuwing tag-ulan.

Bagama’t hindi umano ito nakakaalarma, nagbabala ang DOH sa mga Pilipinong babiyahe sa malamig na bansa na mag-ingat at magpabakuna, lalo na kung patungo sa North America o United Kingdom.

Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng DOH ang sitwasyon bilang bahagi ng kanilang regular health surveillance. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *