House Speaker Dy, suportado ang panukalang batas laban sa political dynasty


Matagal nang pinaghaharian ng mga political dynasty ang politika sa Pilipinas, at muling nabuhay ang isyung ito kasabay ng mga protesta laban sa korapsyon at mga imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto ng pamahalaan.


Bagaman ipinagbabawal ng 1987 Konstitusyon ang political dynasties, nananatiling walang ngipin ang batas dahil hindi pa rin nailalatag kung ano ang eksaktong depinisyon nito.

Sa loob ng halos tatlong dekada, nabigo ang Kongreso na ipasa ang panukalang batas laban dito.


Sa kabila ng pagkakaroon ng 16 kamag-anak sa politika, sinabi ni House Speaker Bojie Dy na ang serbisyo publiko ay hindi minamana kundi ipinagkakatiwala ng taumbayan.

Ayon sa kanya, panahon na raw para ipatupad ang batas laban sa political dynasty bilang nakasaad sa Konstitusyon.


Iginiit ni Dy na hindi ito hadlang para sa mga gustong maglingkod, kundi pagkakataon upang mas maraming Pilipino ang makapasok sa pampublikong serbisyo.


Samantala, nananawagan si Rep. Edgar Erice kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte na suportahan ang anti-dynasty bill bilang tunay na reporma sa sistema.


Kasalukuyang may siyam na panukalang batas na nakabinbin sa komite na naglalayong magtakda ng depinisyon at limitasyon sa political dynasties mula sa mahigpit na pagbabawal sa magkakamag-anak hanggang sa mas maluwag na bersyon na pumapayag sa dalawa lamang sa iisang pamilya na sabay na manungkulan.


Ang magiging kahulugan ng “political dynasty” sa Kongreso ang posibleng magtakda kung gaano sila kahandang baguhin ang sistemang matagal nang nakaugat sa pamilya’t kapangyarihan. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *