Inaprubahan ng House Committee on Labor and Employment ang ilang mahahalagang panukalang batas na naglalayong itaas ang sahod ng mga manggagawa, palakasin ang occupational safety, at palawakin ang proteksyon sa trabaho
Pinangunahan ang pagdinig ng committee chair na si Rep. Ramon Jolo Revilla III.
Kasama rin sa tinalakay ng komite ang iba pang panukala na layong pahusayin ang employment services at bigyang-proteksyon ang mga umuusbong na sektor ng manggagawa.
Ayon kay Revilla, ipinapakita ng mga aksyon ng komite ang patuloy na pagsisikap ng Kamara na tugunan ang mga matagal na at bagong isyu sa paggawa, partikular ang mga problemang kinahaharap ng minimum wage earners, frontline workers, at mga empleyado sa high-risk at nontraditional work environments.
Isa sa mga inaprubahang panukala ang Consolidated Substitute Bill na naglalayong i-institutionalize ang national minimum wage na pinagsama ang iba’t ibang panukalang naglalayong tiyakin ang makatarungan at sapat na sahod para sa mga manggagawang Pilipino sa buong bansa.
Inaprubahan din ng komite ang mga panukala at resolusyon na magpapalakas sa occupational safety and health standards, lalo na sa panahon ng climate-related events, sakuna, at emergency situations, gayundin ang isang panukalang magbibigay ng survivorship benefits sa mga opisyal ng National Labor Relations Commission.
Kasama sa mga inaprubahan ang resolusyong humihikayat sa Philippine Statistics Authority na kilalanin ang mga virtual assistant, online freelancer, at remote worker bilang hiwalay na labor category upang masuportahan ang data-driven policymaking sa digital economy.
Sinabi ni Revilla na ang mga panukalang ito, aprubado man o patuloy pang dinidinig ay tumutugon sa mga tunay at kasalukuyang hamon na kinahaharap ng mga manggagawang Pilipino mula sahod at kaligtasan hanggang sa access sa trabaho at serbisyong pampamahalaan.
Inaasahang isusumite sa plenaryo ang mga inaprubahang panukala para sa karagdagang pagtalakay, habang ang iba pang panukalang dininig ay mananatili sa ilalim ng pagsusuri ng komite bilang bahagi ng mas malawak na labor reform agenda ng Kamara. | via Judea Bernardo
