Tiniyak ni 4P’S Party-list Rep. at House Ethics Commitee Chairperson JC Abalos na mapapadalhan ng sulat at kaukulang notice, ang respondents at complainants kaugnay ng ethics complaints na inihain ng ilang miyembro ng kongreso laban kay Cavite Rep. Kiko Barzaga.
Sa press briefing sa Kamara nitong Miyerkules, January 28, sinabi ni Abalos na nakipagpulong na sya sa kanyang committee secratriat upang talakayin ang kanilang mga susunod na hakbang upang makalikom ng sapat na mga ebidensya at dokumento at masigurong mapakikinggan ang magkakabilang panig.
Ani Abalos, bukod sa bribery accusations ni Barzaga sa social media laban sa kanyang mga kapwa-mambabatas, bubusisiin din ng kongreso ang ilang “derogatory remarks” nito laban naman kay yumaong Antipolo Rep. Romeo Acop.
Nilinaw rin ng ethics committee chair na sa oras na mapatunayan ang bigat ng mga nagawa ni Barzaga at ng sinumang mambabatas na magpapakita ng serious misconduct, posible itong maharap sa suspension, expulsion o reprimands.
Nauugnay ang mga pahayag na ito ni Abalos, sa mga reklamong inihain nina Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, at House Deputy Speaker Ronaldo Puno laban kay Barzaga.
Matatandaang parehong miyembro ng National Unity Party sina Puno at Valeriano, ang partidong inakusahan ni Rep. Barzaga na tumanggap ng umano’y suhol mula sa business tycoon na si Enrique Razon kapalit umano ang suporta kay dating House Speaker Martin Romualdez noong 2025 elections.
Hinggil naman sa usapin kung mayroong bang inilatag na ethics complaint laban naman kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, nilinaw ni Abalos na lahat ng mga reklamong inihahain sa kanyang komite ay mananatiling confidential bilang pagtugon sa parliamentary procedures ng Kamara. | via Judea Bernardo
