Siniguro ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na hindi maaaring ibenta ang tatlong aircraft na konektado kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kahit nailabas na ang mga ito ng bansa.
Kinumpirma ng CAAP na ang dalawang AgustaWestland helicopters ay nasa Kota Kinabalu, Malaysia, at ang Gulfstream jet ay nasa Singapore. Sinubukan umanong i-deregister ng mga kumpanyang konektado kay Co ang mga air assets para maibenta, pero hindi ito pinayagan dahil may standing order laban sa deregistration.
Ayon sa datos ni Dizon, may P4.7-B halaga ng air assets si Co, kabilang ang iba pang helicopters at eroplano na nakarehistro sa iba’t ibang kompanya tulad ng Misibis Aviation at Hi-Tone Construction.
Plano ng gobyerno na magsampa ng civil forfeiture cases para mabawi ang pondo ng bayan. Kasabay nito, irekomenda na ng ICI sa Ombudsman ang criminal at administrative charges laban kina Co, Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, at iba pang opisyal dahil sa anomalya sa flood control projects. | via Allan Ortega
