Hinihikayat ng pamunuan ng Tau Gamma Phi ang mga miyembro nito na sangkot sa pagkamatay ng maritime student na si Mark Kenneth Alcedo, na sumailalim umano sa hazing, na sumuko na sa mga awtoridad.
Ayon kay Tau Gamma Phi spokesperson Martin Asturias, mariing kinokondena ng national council ng kapatiran ang sinapit ng 19-anyos na estudyante at nagpaabot ito ng pakikiramay sa naiwang pamilya ng biktima.
Sinabi pa ni Asturias na pinag-aaralan at pinag-uusapan na rin ng pamunuan ng fraternity ang posibleng pagpataw ng parusa, kabilang ang posibleng pag-relieve o pagpapatalsik sa mga miyembrong mapatutunayang sangkot sa karumal-dumal na krimen.
Samantala, sinabi ni Interior Sec. Jonvic Remulla na may 17 suspek na ang natukoy ang pagkakakilanlan, kung saan isa na ang nasa kustodiya, habang dalawa pa ang hindi pa nakikilala.
Sa kabuuan, 21 katao umano ang pinaniniwalaang sangkot sa isinagawang hazing kung saan isa ang nasawing biktima.
Inaasahan din ng pamahalaan na mahuhuli sa lalong madaling panahon ang mga sangkot sa hazing rites.
Dagdag pa ni Remulla na sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018, at maglalabas din ang mga awtoridad ng All Persons Lookout Bulletin (APLB) laban sa mga sangkot na indibidwal.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable sa krimen, at nanawagan din siya sa fraternity na repormahin ang kultura ng karahasan sa kanilang initiation rites. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
