Ipapatupad ang gun ban sa lungsod ng Maynila mula Huwebes, January 8, hanggang Sabado, January 10, kaugnay pa rin sa pagdiriwang ng Pista ng Jesus Nazareno.
Ayon kay Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sinuspinde ang permit to carry firearms outside of residence ayon sa rekomendasyon ng NCR Police Office para masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Nilinaw ng PNP at NCRPO na Maynila lamang ang sakop ng suspensyon.
Nauna nang inanunsyo ng pamahalaang lungsod ang ban sa bentahan at pag-inom ng alak, pati ang bentahan at paggamit ng mga paputok sa lungsod bilang bahagi ng paghahanda sa taunang pagdiriwang.
Nanawagan ang PNP sa publiko na makipagtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Mahigit 18,000 pulis ang ide-deploy ng PNP, kabilang ang walong libong “hijos police,” para sa seguridad ng pista.
Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit walong milyong deboto ang dumalo sa pagdiriwang, ayon sa Quiapo Church.
