Guarantee letter, hindi na kailangan para sa health aid

Sa ilalim ng 2026 national budget, ipinagbabawal na umano ang direktang pakikialam ng mga pulitiko sa pagbibigay ng tulong medikal sa mga mahihirap na pasyente, ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa.

Ayon sa kanya, hindi na kailangan ng guarantee letter o GL mula sa mga kongresista, senador, o iba pang opisyal para makakuha ng serbisyong pangkalusugan sa mga DOH hospitals.

Zero Balance Billing na raw kasi mula ngayong taon, kung saan wala nang babayaran ang pasyente sa basic o ward accommodations, kasama ang gamot at professional fees ng doktor.

Sa ilalim ng Section 19 ng 2026 General Appropriations Act, tanging mga awtorisadong kawani ng gobyerno lamang ang puwedeng mamahagi ng cash assistance at iba pang tulong.

Sa anti-epal provision ng batas, mahigpit ding ipinagbabawal ang presensya, impluwensya, at kahit political branding ng mga pulitiko sa distribusyon ng ayuda.

Nilinaw ni Herbosa na puwede pa ring humingi ng tulong ang pasyente sa mga halal na opisyal at maaari na silang dumiretso sa DOH para sa tulong kung kwalipikado at may pondo.

Sa ngayon, tinatanggap pa rin ang GLs sa ilang pribado at LGU hospitals hangga’t wala pang bagong implementing rules para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP Program.

Kapag ipinatupad na ang bagong patakaran, hindi na maaaring gamitin ang Maifip funds para sa GLs ng mga pulitiko. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *