Papalitan ni dating Philippine National Police Chief Ret. General Rodolfo Azurin Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at investigator ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ito ang kinumpirma ng Palasyo sa isang pahayag nitong Lunes, September 29.
Kumpiyansa naman ang administrasyon sa naging karanasan at pamumuno ni Azurin para pagtibayin ang mandato ng komisyon na mapanagot ang mga dapat managot sa umano’y maanomalyang flood control projects at matiyak ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Samantala, nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging kontribusyon at serbisyo ni Magalong sa ICI.
Kinilala rin ng Palasyo ang kanyang pagsisikap na mapangalagaan ang integridad at kredibilidad ng komisyon sa kampanya ng pamahalaan kontra katiwalian.
Matatandaang nagbitiw sa pwesto si Magalong noong Biyernes, September 26, para hindi masira ang integridad ng ICI sinabing hindi umano ito naging madali sa kanya.
Bago nito ay nauna na ring sinabi ng Malacañang na pinag-aaralan nila ang appointment ng alkalde.
