Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mananatili sa target ang inflation nitong Pebrero, kahit may posibilidad na bahagyang tumaas ito.
Ayon sa pagtaya, maaaring pumalo ang inflation sa pagitan ng 2.3 hanggang 3.1%, mas mataas kumpara sa 2% na naitala noong Enero.
Ayon sa BSP, maaaring magmula ang pagtaas ng presyo sa mas mahal na bigas at isda, pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, at dagdag-singil sa kuryente sa mga lugar na sakop ng Meralco.
Gayunman, posibleng maibsan ito ng mas mababang presyo ng gulay, prutas, at karne, pati na rin ng pagpapalakas ng piso o peso appreciation.
Sinabi ng BSP na patuloy nilang babantayan ang mga developments sa loob at labas ng bansa upang matiyak na nananatiling angkop ang polisiya para mapanatili ang price stability at tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya.
Ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang opisyal na datos ng inflation sa March 5.
