Kinumpirma ng Benguet police na nasawi ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Ma. Catalina Cabral matapos umanong mahulog sa bangin sa Kennon Road nitong Huwebes, December 18.
Batay sa ulat ng pulisya, unang natagpuan si Cabral na walang malay sa gilid ng Bued River sa Tuba, Benguet na may lalim na humigit kumulang 20-30 metro sa ibaba ng highway dakong alas-8:00 ng gabi.
Kwento naman ng kanyang driver, bandang alas-3:00 ng hapon nang binabaybay nila ang Kennon Road sa Maramal Camp 5 at 4 patungong La Union ay humiling si Cabral na huminto muna at magpapaiwan ito roon.
Pinaalis umano siya ni Cabral at pumunta na lamang siya sa kalapit sa gasoline station.
Ayon pa sa salaysay ng driver, binalikan niya ang biktima bandang alas-5:00 ng hapon ngunit hindi niya ito nakita.
Bandang alas-7:00 ng hapon nang bumalik siya sa pinangyarihan ng insidente at nang hindi niya ito muling nakita ay nagtungo na siya sa Viewdeck Station 8 para iulat ang pangyayari.
Agad namang pinuntahan ng mga tauhan ng Baguio City Police Office at doon nakita na wala nang malay ang biktima.
Si Cabral ay isa sa inuugnay sa sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects at kickback scheme sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.
