Isang Chinese fighter jet at military helicopter ang nang-harass sa Philippine Coast Guard (PCG) patrol aircraft habang lumilipad ito sa ibabaw ng Scarborough Shoal noong Miyerkules, Oktubre 15. Ayon sa PCG, isang PLA Navy helicopter ang lumipad direkta sa ilalim ng kanilang eroplano, at kasunod nito, isang PLA Air Force J-16 fighter jet ang lumapit nang sobrang lapit at nagdulot ng panganib sa ligtas na paglipad ng eroplano na sakay ang PCG personnel at ilang mamamahayag.
Tinawag ng PCG ang insidente bilang “aggressive interference” na naglagay sa panganib sa kanilang crew at nakasagabal sa misyon. Sa parehong paglipad, nakakita rin sila ng ikalawang dilaw na buoy sa hilagang dulo ng shoal parehong uri sa naunang natagpuan nila sa gitna, bagaman hindi malinaw kung sino ang naglagay.
Ayon sa PCG, nakita rin nila sa satellite images na ang “istrukturang” naiulat sa loob ng reef ay debris pa rin mula sa mga nakaraang taon, kaya walang bagong konstruksyon.
Nangyari ito sa gitna ng tumitinding aktibidad ng China sa Scarborough Shoal bahaging malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Noong mga nakaraang araw, hinarang din ng 11 Chinese Coast Guard at 11 maritime militia vessels ang PCG habang nagbibigay ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino.
Samantala, ipinagtanggol ng China ang plano nitong gawing “nature reserve” ang bahagi ng shoal, bagay na tinutulan ng Pilipinas bilang ilegal at labag sa international law. Ironic raw ito, dahil matindi na ang pagkasira ng coral reefs doon dahil sa giant-clam harvesting ng mga Tsino noon.
Sa kabila ng lahat, tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang kanilang regular patrols sa West Philippine Sea upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa. | via Allan Ortega
