Magbibigay ng year-end bonus ang Department of Budget and Management (DBM) at P5,000 cash gift para sa mga empleyado ng gobyerno simula ngayon buwan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ito ng pagkilala ng kasulukuyang administrasyon sa serbisyo at kabayanihan ng mga kawani ng gobyerno.
Sa isang pahayag, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ilalabas ang year-end bonus at P5,000 cash gift kasabay ng unang payroll ng mga ahensya ngayong buwan.
Kinilala rin ni Pangandaman ang sipag at dedikasyon ng mga manggagawa ng gobyerno at tiniyak ang mabilis na pamamahagi ng mga benepisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, inaabangan nila ang panahong ito hindi lang dahil sa “season of giving,” kundi bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo.
Para sa fiscal year 2025, naglaan ang DBM ng P63.69 bilyon para sa year-end bonus at P9.24 bilyon para sa cash gift na makikinabang ang higit 1.8 milyong empleyado ng pamahalaan.
Katumbas ng isang buwang sahod ang year-end bonus, at ibibigay ito sa mga empleyadong nakapagsilbi ng hindi bababa sa apat na buwan at nananatili sa serbisyo hanggang October 31.
Hinimok ng DBM ang lahat ng ahensya na tiyaking maibigay agad ang mga benepisyo ayon sa itinakdang patakaran. | Via Andrea Matias
