Nilinaw ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang mga umano’y doble-dobleng proyekto sa panukalang 2026 budget.
Ani DPWH Secretary Vince Dizon, walang duplication sa mahigit ₱11.6 bilyong halaga ng 798 proyekto na tinukoy ng Senado.
Ito ay inihayag sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senate Committee on Finance ngayong lunes kung saan tinukoy ang mga “red flag” na proyekto matapos makita ni Senator Win Gatchalian na tila lumalabas muli sa 2026 budget ang ilang proyektong sinasabing tapos na ngayong taon.
Tugon ni Dizon, itinuturing na continuing projects o mga proyektong hindi pa nakukumpleto ang natukoy na mga proyekto.
Samantala, inamin naman ni Dizon na may 148 pang proyekto na nagkakahalaga ng ₱2.8 bilyon ang vine-verify pa upang matiyak na walang duplication.
Hanggang sa Biyernes naman ang ibinigay na palugit sa ahensya upang i-verify ito.
Dagdag pa ni Dizon, nananatiling bukas ang ahensya sa pakikipagtulungan sa Senado upang matiyak na transparent at maayos ang paggastos ng pondo ng bayan. | via Ghazi Sarip
