Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilalabas na nang isang bagsakan ang pondo para sa bawat infrastructure project sa Pilipinas sa halip na tingi-tingi o paunti-unti upang maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na ang pagbibigay ng pondo sa pamamagitan ng tranches ay nagiging dahilan ng pagkaantala ng mga proyekto gaya ng mga silid-aralan, kalsada, tulay, at mga ospital.
Giit pa ni Dizon, malinaw ang direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kung magkano ang kinakailangang pondo para matapos ang mga proyekto sa susunod na taon ay dapat na nakapaloob na agad ang kabuuang halaga sa pambansang badyet.
Nitong Martes, January 13, personal na ininspeksyon ni Dizon ang ilang kasalukuyang ginagawang gusali ng mga pampublikong ospital upang matiyak na matatapos ang mga ito sa itinakdang panahon.
Patuloy namang iginiit ng DPWH na ang bagong sistema ng paglalabas ng pondo ay inaasahang magpapabilis sa pagtatapos ng mahahalagang proyekto sa buong bansa. | via Judea Bernardo
