Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na direktang ilaan ang pondo sa mga local government units (LGUs) para pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan at masolusyunan ang kakulangan sa buong bansa.
Ayon sa Palasyo, pipirma ang DepEd, DPWH, at mga LGU ng kasunduan para rito.
Giit ni Marcos, “mabagal na aksyon, hindi katanggap-tanggap” kaya’t gusto niyang bilisan ang konstruksyon at pagkukumpuni ng mga classroom.
Ito’y matapos aminin ni Public Works Secretary Vince Dizon na 22 lang sa target na 1,700 classroom ang natapos ng DPWH para sa 2025.
Marami pa umanong proyekto ang hindi pa nasisimulan dahil sa late validation, pagbabago ng liderato, at sobrang pagtutok sa mga flood control projects.
Binatikos din ng ilang grupo ang plano ng gobyerno na isama ang LGUs at pribadong sektor sa Classroom-Building Acceleration Program, sa halip na ayusin muna ang proseso at panagutin ang mga tiwaling opisyal.
Nangako naman si Marcos na magtatayo ng 40,000 classrooms bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Mula 2022 hanggang 2025, 19,250 silid-aralan na ang natapos ngunit higit 146,000 pa rin ang kulang. | via Allan Ortega
