Nauga at napakapit si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon habang nakatayo sa isang tulay sa Lupi, Camarines Sur sa gitna nang kanyang isinagawang pag-iinspeksyon sa lugar.
Ayon sa video na ibinahagi ng DPWH, naroon si Secretary Dizon kasama ang kanyang mga kasamahan sa Mauca Bridge sa Andaya Highway nang dumaan ang isang malaking trak na may kargang steel rebar.
Dahil dito, kapansin-pansing umuga ang tulay, dahilan upang mapahawak at mapamura pa si Dizon sa gilid ng tulay habang isinasalaysay ang kanyang pagkabahala sa sitwasyon.
Dahil dito, ipinag-utos ng kalihim ang agarang inspeksyon ng isang tulay sa Lupi, Camarines Sur matapos niyang maranasan mismo ang pagyanig nito.
Ayon sa ahensya, delikado ang kalagayan ng tulay hindi lamang para sa mga motorista kundi pati na rin sa mga residenteng araw-araw na dumaraan dito.
Tiniyak ng DPWH na magsasagawa ng kinakailangang hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang posibleng aksidente sa lugar. | via Judea Bernardo
