Pormal nang nagsumite ng rekomendasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman kaugnay pa rin sa maanomalyang flood control projects.
Ito ay para siyasatin ang mga maanomalyang proyekto na nauugnay kina dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co mula 2016 hanggang ngayong taon.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang mga dokumentong ipinasa nila sa Ombudsman ay mga dokumento mula sa kanilang ahensya na kontrata ng mga kompanyang Sunwest Corporation at Hi-Tone Construction na umano’y may kaugnayan kay Co.
Isinama na rin ng mga ito sa rekomendasyon ang mga sinumpaang salaysay ni Orly Guteza laban kay Romualdez mula sa pagdinig ng Senado.
Sakaling makitaan ng ebidensya laban sa mga ito, posible silang maharap sa mga kasong plunder, anti-graft at direct bribery.
Binigyang-diin naman ni Dizon ang pohayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilang na lang ang masasayang araw ng mga sangkot sa anomalya.
Matatandaang naisampa na ng Ombudsman ang unang kaso ng maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro kamakailan.
Samantala, inaasahan naman ng ICI ang mga dokumentong nakalap mula sa pinagsamang pwersa ng AFP at PNP ground troops sa mga maanomalyang proyekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Posibleng makuha na ng ICI ang mga dokumento ngayong weekend o di kaya’y sa susunod na linggo. | via Alegria Galimba
