DPWH, aminado sa pagkukulang sa naunang isinumiteng CMPD sa Senado

Aminado ang Department of Public Works and Highways sa kanilang pagkukulang sa unang isinumiteng datos sa Senate Committee on Finance kaugnay sa aplikasyon ng bagong Construction Materials Price Data o CMPD.

Ang CMPD ang magiging basehan ng presyo ng gagamiting materyales para sa mga proyekto ng DPWH.

Sa inilabas na pahayag ng ahensiya, humingi sila ng paumanhin sa kanilang pagkukulang dahil tanging adjustment bawat rehiyon lang ang kanilang naibigay.

Hindi umano ito sapat upang matukoy ng komite ang angkop na project-level adjustments sa 10,000 apektadong mga proyekto.

Ayon sa ahensya, magsusumite sila ng karagdagang datos na nakabatay sa kategorya ng mga proyekto.

Isasaalang-alang sa mga bagong datos ang iba pang factor, gaya ng layo ng mga proyekto at pagbabago-bago sa local na presyuhan ng materyales para makabuo nang mas makatotohanang basehan sa pagpopondo.

Matatandaang humiling ang ahensya sa bicameral conference committee na maibalik ang halos P54 bilyong pondo na unang ibinawas dahil sa pagbaba ng presyo ng construction materials.

Ito ang dahilan kung bakit ipinagpaliban ang bicam meeting kahapon at itutuloy ngayon.

Binigyang-diin ng DPWH ang transparency at tiniyak na ang lahat ng magiging adjustments ay isasagawa nang may integridad at praktikal na pagpapatupad. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *