Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na ligtas at maayos ang biyahe ng mga pasahero kaugnay ng papalapit na Undas.
Sa isinagawang inspeksyon ni DOTr acting Secretary Giovanni Lopez sa walong bus terminal sa Cubao, apat dito ang bumagsak sa pamantayan ng ahensya.
Kabilang sa mga nakita niyang paglabag ang mga worn-out tires ng isang bus ng Jam Liner, kulang sa pasilidad ang Dagupan Bus Company, expired permit ng DLTB Bus Co., at kakulangan sa tamang upuan ng Super Lines Bus Co.
Dahil dito, inatasan ni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na agad parusahan ang mga bus company na hindi sumusunod sa safety at terminal standards.
Binigyang-diin din niyang dapat may maayos na upuan, bentilasyon, malinis na palikuran kabilang ang all-gender restrooms at lugar para sa mga driver at mga pasahero na magpapalit ng diaper o magpaa-breast feed.
Samantala, pinuri naman ni Lopez ang Victory Liner, Viron Transit, at Alps Bus Co. sa kanilang maayos na terminal facilities higit lalo ang mga terminal na tumutugon sa pangangailangan ng mga senior citizens at persons with disabilities. | via Ghazi Sarip
