Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang mga ulat na kumakalat sa iba’t ibang ulat na nagsasabing napawalang-sala umano si dating Congressman Arnie Teves sa kasong pagpatay kay Miguel Lopez Dungog noong 2019.
Nililinaw ng Kagawaran na sa kasalukuyan ay wala pa itong natatanggap na opisyal na kautusan mula sa korte na nagpapatunay sa nasabing acquittal.
Ayon sa DOJ, hangga’t hindi pa pormal na naihahatid sa prosekusyon ang official at verified copy ng desisyon ng korte, hindi nito makukumpirma ang kredibilidad ng mga naturang ulat.
Gayunman, tiniyak ng ahensya na kahit pa mapatunayan na napawalang-sala si Teves sa Dungog Case, hindi pa rin ito maaaring palayain dahil siya ay nananatiling legal na nakakulong bunsod ng iba pa niyang nakabinbing na kasong kriminal.
Kabilang dito ang ilang kasong murder na kasalukuyang dinidinig sa mga Regional Trial Court sa Maynila, kabilang ang mga high-profile cases kaugnay ng pagpaslang sa yumaong Gobernador Roel Degamo.
Tinitiyak naman ng DOJ sa publiko na sa sandaling matanggap ng prosecution panel ang opisyal na kopya ng kautusang may kaugnayan dito, agad itong kikilos at gagamit ng lahat ng naaangkop na legal na remedyo alinsunod sa batas. | via Judea Bernardo
