DOJ, hinimok na magsagawa ng imbestigasyon sa Aleson Shipping Lines sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3

Hinimok ni Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula ang Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng imbestigasyon laban sa Aleson Shipping Lines kaugnay ng posibleng criminal negligence sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Ismula na maaaring nilabag ng kompanya ang amended Public Service Act o Republic Act No. 11659, na nagpapataw ng kriminal na pananagutan sa mga operator ng sasakyang pandagat na bigong sumunod sa mga pamantayan sa kaligtasan.

Ipinahayag din na nangako ang DOJ na tutulong sa mga biktima at kanilang pamilya sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa Aleson Shipping Lines.

Tinukoy ni Ismula ang pahayag ng Department of Transportation na may naitala umanong mga kakulangan sa kaligtasan ang barko bago ang insidente.

Ayon pa sa kanya, hindi aksidente ang nangyari kundi malinaw na kapabayaan na nauwi sa trahedya.

Sa pagdinig, inamin ng mga opisyal ng Maritime Industry Authority na ang orihinal na rehistro ng barko ay may isang palapag lamang, ngunit kalaunan ay nadagdagan ito ng dalawa pang palapag.

Ayon sa mga eksperto, ang ganitong pagbabago ay itinuturing na major conversion na maaaring nakaapekto sa katatagan ng barko.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung paano nakalusot sa inspeksyon ang barko sa kabila ng mga pagkakaibang ito sa istruktura.

Binigyang-diin niyang hindi ito ang unang insidenteng may kinalaman sa kaligtasan ng naturang shipping company, matapos ang insidente ng MV Lady Joy noong 2023.

Giit ni Ismula, kailangang mabunyag kung paano pinayagan ng MARINA ang operasyon ng barko at kung sino ang dapat managot sa nangyari.

Aniya, hindi sapat ang multa o suspensyon kung buhay ng tao ang naging kapalit, lalo na sa pagkasawi ng isang sanggol sa trahedya.

Nanawagan ang mambabatas ng ganap na hustisya para sa mga biktima at pananagutan ng lahat ng may kinalaman sa insidente. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *