Posibleng muling tumaas ang presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon sa Department of Energy o DOE.
Batay sa 4 – trade monitoring sa Means of Platts Singapore, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na maaaring bumaba ng P0.10 kada litro ang gasolina.
Gayunman, inaasahang tataas naman ang presyo ng diesel ng P0.30 kada litro at kerosene ng P0.05 kada litro.
Ayon kay Romero, hindi pa kabilang sa mga tinatayang galaw ng presyo ang premium operating costs na maaaring umabot sa P0.40 hanggang P0.50 kada litro.
Dagdag pa niya, malaki ang posibilidad na pagsapit ng Martes ay magkaroon na ng pagtaas sa lahat ng produktong petrolyo.
Ipinaliwanag ng opisyal ng DOE na ang premium operating costs ay sumasaklaw sa gastos sa pagproseso ng mga hilaw na materyales, bayarin sa imbakan ng inaangkat na produktong petrolyo, at transportasyon nito patungo sa mga lokal na gasolinahan.
Sinabi rin ni Romero na ang inaasahang pagtaas ng presyo ay kaugnay ng ulat na nagpadala ang Estados Unidos ng mga barkong pandigma sa Strait of Hormuz, na nagbunsod sa banta ng Iran na isara ang nasabing daanan sakaling muling sumiklab ang tensyon. | via Judea Bernardo, D8TV News
