DOE, inaasahan ang panibagong taas-presyo ng langis sa susunod na linggo

Inaasahan ng Department of Energy o DOE ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang merkado ng langis.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hindi pa rin kumakalma ang galaw ng global oil market kaya halos tiyak na may dagdag-presyo muli sa diesel, gasolina at kerosene.

Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi pa matiyak kung gaano kalaki ang magiging dagdag-presyo.

Nitong linggo lamang, tumaas ng humigit-kumulang sampung piso kada litro ang diesel, gasolina at kerosene matapos harangin ng Iran ang ilang bahagi ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta kung saan dumaraan ang halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.

Ayon sa DOE, ang patuloy na tensyon sa Middle East ang pangunahing dahilan ng inaasahang panibagong pagtaas ng presyo ng langis.

Tiniyak naman ng ahensya na may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa.

Una nang sinabi ni sec. Garin, na may reserbang suplay ang Pilipinas na maaaring tumagal ng hanggang limampung araw.

Inatasan na rin ng pamahalaan ang mga oil company na ipagpatuloy ang pag-aangkat ng petroleum products sa kabila ng mataas na presyo sa pandaigdigang merkado.

Nakikipag-ugnayan din ang gobyerno sa ilang bansa sa Asya na handang magbenta ng langis sa Pilipinas upang matiyak na hindi mauubusan ng suplay ang bansa.

Samantala, hinihikayat ng DOE ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente at gasolina upang makatulong sa pagkontrol ng demand sa petroleum products.

Matatandaang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang concerned agencies na magpatupad ng apat na araw na workweek upang mabawasan ang konsumo sa kuryente at gasolina.

Hinikayat din ng administrasyon ang mga lokal na pamahalaan at iba pang tanggapan ng gobyerno na limitahan ang kanilang work trips habang nananatiling pabagu-bago ang sitwasyon sa Gulf region. | via Judea Bernardo, D8TV News 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *