Inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na maaaring panatilihin ng Senado sa kustodiya ang apat na indibidwal na ipinadakip dahil sa contempt kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa flood control projects hanggang sa matapos ang 20th Congress sa 2028, maliban na lang kung uutusan ng korte ang kanilang pag-aresto o pagpapalaya.
Ayon kay Sotto, pinahihintulutan ng Korte Suprema na manatili sa kustodiya ng Kongreso ang mga taong nasampahan ng contempt “habang buhay pa ang imbestigasyon.”
Kabilang sa mga nakakulong sina contractor Curlee Discaya at dating DPWH Bulacan engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Dagdag pa ni Sotto, agad susunod ang Senado kung maglalabas ng utos ang korte para sa kanilang pag-aresto o paglilipat.
Nauna nang humiling ng house arrest ang tatlong dating engineer habang si Discaya ay naghain ng habeas corpus petition na tinanggihan ng regional trial court.
Binanggit din ni Sotto na pinapabilis ng Senado ang pagpasa ng kanyang panukalang batas na lumikha ng Independent People’s Commission para ipagpatuloy ang imbestigasyon sa katiwalian sa mga proyekto ng imprastraktura at posibleng hilingin niya kay Pangulong Marcos na sertipikahang “urgent” ang nasabing panukala. | via Allan Ortega
