‘Dilatory tactics’ ni Zaldy Co, binanatan ng Ombudsman

Binanatan ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng Temporary Restraining Order o TRO ni Zaldy Co sa Korte Suprema tungkol sa kanyang arrest warrant.

Tinawag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na “dilatory tactics” lamang ni Co ang TRO upang pabagalin umano ang imbestigasyon sa katiwaliang kinasangkutan ng dating kongresista.

“The Office of the Ombudsman will not be distracted by dilatory tactics meant to derail the in-depth investigation into his illegal and corrupt acts,” ani Clavano.

Hiniling ni Co sa Supreme Court na itigil ang pagpapatupad ng resolusyon ng Ombudsman noong November 14, 2025 tungkol sa pagsasampa ng malversation charges laban sa kanya at iba pang kapwa-akusado.

November 21 nang ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay Co at 17 pang opisyal ng Department of Public Works and Highways at contractor na Sunwest Corporation kaugnay sa isang maanomalyang P289.5 million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Una nang tinanggihan ng Sandiganbayan ang TRO ni Co at sinabing walang karapatan ang isang pugante na gawaran ng ganitong remedyo. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *