Bandang alas-5:30 ng ngayong hapon ilalabas ng International Criminal Court Appeals Chamber ang desisyon nito kaugnay sa apelang interim release ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity.
Una nang tinanggihan ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang kanyang pansamantalang pagpapalaya upang maiwasang maapektuhan ang imbestigasyon at mga proseso nito.
Tinanggihan din dati ng ICC ang argumento ng kampo ng dating Pangulo na maaaring makaapekto ang trial sa kanyang kalusugan. Sagot ng korte—may sapat na serbisyong medikal sa loob ng detention center.
Hindi personal na dadalo si Duterte sa nakatakdang pagdinig at ang abogado lamang niya ang haharap sa korte.
Ipinakita naman ng legal counsel ng dating Pangulo na si Atty. Nicholas Kaufman ang pirmadong waiver nito para gamitin ang kanyang karapatang hindi personal na dumalo sa pagbasa ng desisyon sa kanyang apela.
Samantala, kumpiyansa naman ang kampo ng mga biktima na muling mababasura ang apela ng dating Pangulo.
Ayon kay ICC assistant to counsel Atty. Kristina Conti, hindi kasi pumapasa sa pamantayan ng korte ang mga argumento ng depensa para sa hiling na pansamantalang pagpapalaya.
