Pinalawig ng Department of Education (DepEd) ang cut-off age policy para sa mga mag-e-enroll sa kindergarten.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 015, s. 2025, simula sa School Year 2025-2026 ay maaari nang mag-enroll sa kindergarten ang mga batang maglilimang taong gulang sa o bago ang October 31 mula ito sa dating cut-off na August 31.
Ito ay alinsunod sa vision ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas na naglalayong magkaroon nang mas inclusive at learner-centered na sistema ng edukasyon.
Tatanggapin din ang mga batang maglilimang taon mula Nobyembre 1 hanggang Disyembre 31 kung sila ay nakatapos ng isang taong Early Childhood Development program o nakapasa sa ECD checklist sa panahon ng enrollment at sa unang linggo ng klase.
Kinakailangan ding sumunod ng mga pribadong paaralan sa bagong cut-off age policy ngunit isasailalim ang enrollees sa readiness assessments bilang bahagi ng kanilang enrollment process.
Sa hakbang na ito ay inaasahan ng DepEd ang pagtaas sa bilang ng mga mag-e-enroll sa isasagawang nationwide enrollment sa mga pampublikong paaralan sa darating na June 9 hanggang 13 para sa School Year 2025-2026. | via Alegria Galimba | Photo via Facebook/DepEd Philippines
#D8TVNews #D8TV