Nagpadala na ang Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) ng 8-member technical team ng mga geologists mula MGB Central office at Regional Office 7 upang magsagawa ng post-disaster geohazard assessment sa Cebu nitong Linggo, October 5.
Ayon kay DENR–MGB Director Assistant Secretary Michael Cabalda, ang imbestigasyong ito ay makatutulong upang matukoy ang mga lugar na pwedeng bahain o maging prone sa landslides, pati na rin ang mga lugar na irerekomenda sa LGU na aayon sa proper zoning, building regulation, at emergency preparedness.
Sa pahayag ni Cabalda, sinabi niyang natukoy ang ilang mga sinkhole-prone zones sa Tent City sa Barangay Cogon, Bogo City.
Iginiit ni Cabalda na nakikipagtulungan na ang geologists ng MGB sa National Incident Assessment and Coordination Center (NIACC), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at Office of the Civil Defense (OCD) patungkol dito.
Noong Biyernes, October 3, naglabas na ng “Subsidence Threat Advisory” ang MGB Region 7 sa mga municipal mayors ng Medellin, San Remigio, Tabogon, Daanbantayan, at Bogo City matapos makumpirma ang mga bagong sinkholes dito.
Nagbabala ang MGB sa publiko at lokal na mga pamahalaan na magingat sapagkat delikado ang mga hazards tulad nito, lalo na’t mahirap matukoy kung kailan at saan ito mangyayari. | via Kai Diamante
