De Lima, kinuwestyon ang kwalipikasyon ng mga sangkot sa flood control scandal bilang state witness

Kinuwestyon ni Mamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima, kung naibigay ba ng buo, ng bagong apat na state witness sa flood control scandal, ang kanilang naging papel sa flood control scheme, at kung naibalik ba ang lahat ng umano’y nakulimbat na pondo, bago sila tinanggap bilang state witnesses.

Sa isang social media post, tinanong ni De Lima kung sina dating DPWH officials na sina Roberto Bernardo, Henry Alcantara, Gerard Opulencia, at SYMS contractor Sally Santos ay nagsabi na ng buong katotohanan.

Nauna nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na pormal nang tinanggap ang apat bilang state witnesses kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon sa DOJ, naibalik na umano ni Alcantara ang P181 milyon, P80 milyo mula kay Opulencia, P20 milyon mula kay Santos, P35 milyon naman mula kay Bernardo.

Matatandaang una nang nilinaw naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na hindi awtomatikong nangangahulugan ng immunity ang pagsama sa Witness Protection Program.

Sinabi rin ng DOJ na may ilang flood control cases pa ang nakabinbin, kabilang ang mga reklamong plunder laban sa mga dating at kasalukuyang opisyal ng gobyerno. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *