Pinasasampahan ng kaso ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman si dating Sen. Ramon “Bong” Revilla dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Nitong Miyerkules, December 4 nang irekomenda ng ICI sa Ombudsman na sampahan ng kasong direct or indirect bribery, corruption, plunder, at administrative sanctions si Revilla.
Matatandaang idinawit ang senador ng mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Usec. Roberto Bernardo at Bulacan District Engineer Henry Alcantara na tumatanggap umano ng kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.
Bukod kay Revilla, pinakakasuhan din sina Maynard Ngu, Gerard Opulencia, Manny Bulusan, Ruel Umali, Gene Ryan Altea, Carleen Yap-Villa, J.Y. Dela Rosa, Mrs. Patron at Carlo Aguilar.
Samantala, inirekomenda naman ng ICI sa Ombudsman ang malalimang imbestigasyon kina Senators Chiz Escudero, Mark Villar, former Senators Nancy Binay at Grace Poe kasunod ng mga mabibigat na alegasyon laban sa kanila.
Nagsumite rin ang ICI ng panibagong ebidensya laban kina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Usec. Catalina Cabral, Usec. Bernardo, Zaldy Co, Commissioner Mario Lipana, Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Posibleng humantong ito sa karagdagang kasong maaaring isampa laban sa kanila. | via Alegria Galimba
