Dating House speaker, PBBM, pinabulaanan alegasyon ni Co laban sa kanila

Pinagbantaan umano ni House Speaker Martin Romualdez si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na delikado kapag umuwi siya ng bansa at magsalita sa kasagsagan ng isyu ng flood control project scam.

Sa inilabas na huling bahagi ng kanyang video statement, sinabi ni Co na Marso 2025 pa lamang ay nagparinig na si Romualdez.

Dahil dito, hinamon ni Co si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ang dating House speaker at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kapag naglabas siya ng ebidensya laban sa mga ito.

Pinaiimbestigahan din ng dating kongresista sa Senado ang umano’y P100-B budget insertion na ipinag-utos ng Pangulo.

Pinabulaan naman ni Co ang testimonya nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nakatanggap siya ng P21-B kickback mula sa maanomalyang proyekto ng pamahalaan.

Paglilinaw nito, P56-B ang kickback na napunta umano kina Romualdez at Pangulong Marcos.

Samantala, nanindigan naman si Romualdez na malinis ang kanyang konsensya at iginiit na walang sinumang opisyal, kontratista o witness na makapagtuturo ng anumang pagkakamali sa kanyang panig.

Dagdag pa ng kongresista, nananatili ang kanyang tiwala sa ICI, Department of Justice at Ombudsman na magiging patas at mahigpit ang kanilang pagsisiyasat sa mga ebidensya.

Handa rin siyang makipagtulungan sa anumang proseso na naaayon sa batas at tiwala siyang lalabas ang katotohanan sa pamamagitan ng kaukulang institusyon.

Tumanggi naman si Pangulong Marcos na magkomento sa mga alegasyon ni Co laban sa kanya.

Matatandaang una na ring itinanggi ng Malacañang ang mga paratang ni Co sa Pangulo.

Ayon kay PCO acting Secretary Dave Gomez, walang matibay na basehan at puro sabi-sabi lamang ang mga akusasyon ng dating kongresista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *