Dalawang weather system, magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes

Maraming lugar sa bansa ang makararanas ng pag-ulan ngayong Biyernes, January 30, dahil sa dalawang umiiral na weather systems, ayon sa PAGASA.

Ang shear line na nakaaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao ay magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, at Davao Oriental.

Posible rito ang flash floods at landslides, lalo na kung tuluy-tuloy ang malakas na ulan.

Samantala, ang northeast monsoon o amihan ay magdadala ng mahinang ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora.

Makakaranas din ng isolated rain showers ang natitirang bahagi ng Mindanao at Eastern Visayas dahil sa mga localized thunderstorms habang ang iba pang bahagi ng bansa ay posibleng umulan nang bahagya dahil pa rin sa amihan.

Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalong dagat sa Northern at Central Luzon at sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa ibang lugar, banayad hanggang katamtaman ang hangin at alon.

Ayon sa PAGASA, wala namang binabantayang low pressure area na posibleng maging bagyo sa ngayon. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *