Mainit ang balita sa mundo ng basketball! Posibleng magbago na ang may-ari ng PBA team na Terrafirma Dyip—at hindi lang isa, kundi dalawang grupo mula Zamboanga City ang naglalaban para rito!
Una nang inanunsyo ng Zamboanga Valientes na may “mutual agreement” na sila sa pagbili ng Terrafirma at hinihintay na lang ang basbas ng PBA board. Ayon kay team owner Junnie Navarro, malaking karangalan ito para sa Zamboanga. Kasama niya sa usapan si Trevor Crewe ng Crewsharp at nakipagpulong sila kina PBA Commissioner Willie Marcial at Dyip team governor Bobby Rosales.
Pero teka lang—may kalaban sila. Ang dating kaalyado, ngayo’y karibal na Family’s Brand Sardines, na pinamumunuan ni Anita Kaw, ay nagpahayag din ng intensyong sumali sa PBA. Matagal na raw nilang planong pumasok at nagkaroon pa ng meeting sa Zamboanga game kasama ang anak ni Kaw na si Tippy.
Dating magkakampi sa MPBL noong 2018, ang mga Navarro at Kaw ay naghiwalay ng landas dahil sa pera. Ngayon, parehong gusto nilang makuha ang Terrafirma!
Dati na ring nabalitang bibilhin ng Starhorse ang team pero umatras ito matapos hindi makumpleto ang requirements, kaya open na naman ang bidding.
Pwedeng lumipat ang franchise bago magsimula ang 50th PBA Season sa October 5, basta makabayad ng P100 milyon at maaprubahan ng 8 sa 12 PBA governors.
Abangan kung sino ang mananaig: ang Valientes o ang Sardines? Zamboanga vs. Zamboanga sa loob at labas ng court! | via Lorencris Siarez | Photo via PNA
#D8TVNews #D8TV