DA, FTI, layon bumili ng sibuyas upang maiwasan pagbagsak ng farmgate price

Inatasan ng Department of Agriculture (DA) ang state-run Food Terminals Inc. o FTI na magsimulang bumili ng sibuyas simula ngayong linggo upang maiwasan ang pagbagsak ng farmgate price.

Unang tututukan ang mga pananim sa Nueva Ecija bago posibleng palawakin ang operasyon sa Occidental Mindoro, Pangasinan, at Cagayan Valley bilang hakbang para protektahan ang kita ng mga magsasaka.

Nilalayon ng FTI na makabili ng hanggang 50,000 na sako ng sibuyas, kasabay ng pagpapalawak ng kapasidad ng mga cold storage facility upang masalo ang labis na suplay at maiwasan ang price slump tuwing panahon ng anihan.

Personal din na nagsagawa ng inspeksyon si FTI President Joseph Lo upang matignan ang kalagayan ng merkado sa Nueva Ecija at iniulat na umabot sa P45 kada kilo ang farmgate price.

“Layunin naming bumili sa presyong makatarungan para sa mga magsasaka—sa antas na sapat upang masigurong kumikita sa pagtatanim ng sibuyas at mahikayat silang magpatuloy sa pagtatanim,” — Lo, FTI President | via D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *