Nanawagan si Senador Francis “Chiz” Escudero sa mga ahensya ng pamahalaan na maghanda ng contingency plan kaugnay ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa senador, kung lalala ang sitwasyon sa Middle East, maaaring maapektuhan ang global oil supply na posibleng magdulot ng dagdag-presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Giit ni Escudero, hindi dapat hintayin ang krisis bago kumilos ang pamahalaan. Aniya, kailangan ng malinaw na plano upang matiyak ang sapat na suplay, maayos na monitoring ng merkado, at proteksyon sa mga konsyumer, tsuper, at mga negosyong umaasa sa petrolyo.
Hinimok din niya ang Department of Trade and Industry na paigtingin ang price monitoring sa mga pangunahing bilihin sakaling tumaas ang inflation dulot ng mahal na krudo.
Pinaalalahanan din ng senador ang mga oil companies at pribadong sektor na pairalin ang transparency at social responsibility, lalo na sa panahon ng pandaigdigang tensyon.
Aminado si Escudero na hindi kontrolado ng bansa ang mga pangyayari sa ibang bahagi ng mundo, ngunit iginiit niyang maaaring maging handa ang Pilipinas sa posibleng epekto nito sa ekonomiya.| via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
