Bumuo ang Commission on Audit o COA ng isang technical inspection team na tututok sa mga flood control projects sa Bulacan kamakailan.
Prayoridad dito ang mga proyektong may pinakamalaking halaga kasama na aabot sa ₱44 bilyon na inilaan para sa flood control sa Bulacan na itinuturing ding pinakamalaki sa Region 3 at halos kalahati ng buong pondo ng rehiyon. Sa kabuuan, ₱98 bilyon ang inilaan sa Central Luzon, bahagi ng mahigit ₱548 bilyon para sa buong bansa.
Kabilang sa sisiyasatin ang aktuwal na kalagayan ng mga proyekto, kung natutupad ang aprubadong plano at iskedyul, at kung tugma ang mga materyales sa itinakdang pamantayan. Kailangan ding suportado umano ng videos at geo-tagged photos ang lahat ng dokumentasyon.
Mahalaga ito lalo’t nauna nang ipinag-utos ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba ang isang fraud audit, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos, upang papanagutin ang mga pumalpak na mga proyekto kontra baha.
Noong Agosto 19, nasumite na sa COA Fraud Audit Office ang unang batch ng mga dokumentong susuriin.
Sa bandang huli, ang layunin ng audit na ito ay masiguro na bawat pisong pondo para sa flood control ay hindi masasayang, kundi magsisilbing tunay na proteksyon laban sa sakuna. | via Ghazi Sarip