China, pinatawag ang ambassador ng Pilipinas kaugnay sa WPS remarks

Ipinatatawag ng Foreign Ministry ng China, ang Philippine Ambassador kaugnay ng mga paratang na nagsagawa umano ng “smear campaign” laban sa kanilang bansa si Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela. 

Ayon sa Chinese Embassy sa Maynila nitong Biyernes, January 23, kung saan sinabi rin nitong naghain ang China ng tinawag nitong “solemn representations and strong protest” bunsod ng mga pahayag ni Tarriela.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun, nauna na umanong ipinaabot ng Beijing ang seryosong posisyon nito hinggil sa mga sinabi ng PCG spokesperson at ipinatawag nitong January 23 ang Philippine ambassador ng Department of Asian Affairs ng Chinese Ministry of Foreign Affairs upang muling ihain ang matinding protesta.

Samantala, mariing itinanggi ni Tarriela ang paratang at iginiit na ang kanyang mga pahayag ay hindi paninira o panlalait kundi mga makatotohanang ulat na sinusuportahan ng video evidence, mga larawan, opisyal na ulat ng PCG, at obserbasyon ng third parties. 

Ayon kay Tarriela, bahagi ng kanyang tungkulin bilang tagapagsalita ng West Philippine Sea ang malinaw at tapat na pagpapaliwanag ng mga pangyayari sa publiko alinsunod sa paninindigan ng pamahalaan sa rules-based order at international law. 

Nauna nang nagpahayag ang Department of Foreign Affairs ng buong suporta sa mga halal na opisyal at institusyon ng pamahalaan na nagtatanggol sa soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon ng Pilipinas. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *