Hinahanap ngayon ng mga awtoridad si Cassandra Ong, isa sa mga pangunahing suspek sa POGO scandal ng 2024, ayon kay Sen. Win Gatchalian nitong Biyernes, Nobyembre 21.
Ayon kay Gatchalian, pinalaya si Ong mula sa kustodiya ng Kamara nang magtapos ang 19th Congress at magsimula ang 20th.
Wala pa raw kaso laban sa kanya noon pero nang maisampa ang kaso, nakalabas na siya.
Ngayon, may human trafficking case siya sa RTC Branch 157 sa Pasig kaugnay ng Lucky South 99 sa Porac.
Sinabi ng senador na hinahanap na si Ong ng pulisya, at kinumpirma ng BI na wala siyang record ng pag-alis ng bansa.
May hold departure order na rin para pigilan ang anumang tangkang pagbiyahe. Pero ang ikinababahala baka dumaan siya sa “backdoor” para makatakas.
Si Ong, kasama sina Alice at Shiela Guo, ay minsan nang tumakas papuntang Indonesia noong kasagsagan ng POGO investigations.
Kaya nag-aalala si Sen. Risa Hontiveros na “baka maging Alice Guo Part 2” ang sitwasyon.
Ang POGO scandal ay isa sa pinakamalaking imbestigasyon noong 2024, na nagsimula sa human trafficking ngunit nauwi sa hinalang Chinese spy ring.
Dahil dito, ipinasa ang batas na nagbabawal sa offshore gaming, at nahatulan kamakailan si Alice Guo ng human trafficking. | via Allan Ortega
