Tutol si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa paninindigan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mas pinipiling resolbahin, sa pamamagitan ng ‘closed-door diplomacy,’ ang tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay Carpio, mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng transparency, upang mapanatili ang international pressure kontra China.
Nagbigay ng pahayag si Carpio kaugnay ng umano’y pagkakaiba ng pamamaraan ng sektor ng seguridad at ng foreign policy arm ng pamahalaan.
Itoý matapos patuloy na isulong ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ang transparency initiative sa pamamagitan ng paglalantad ng agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea, habang binibigyang-diin naman ng DFA ang diplomasya at dayalogo.
Noong Lunes, muling iginiit ng DFA na nananatiling “indispensable” ang diplomasya sa pagsusulong ng estratehikong interes ng bansa.
Babala ni Carpio, ang labis na pag-depende sa closed-door negotiations ay maaaring makasama sa pagkuha ng mas malawak na suporta mula sa international community.
Ipinaliwanag din ni Carpio na malinaw umano ang layunin ng China na gawing pambansang hangganan ang tinatawag nitong 10-dash line. | via Judea Bernardo
