CA, naglabas ng freeze order laban sa mga kompanyang may kaugnayan sa magkapatid na kongresista

Isiniwalat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglabas na ng freeze order ang Court of Appeals (CA) laban sa mga kompanyang Silverwolves Construction Corporation, Sky Yard Aviation Corporation at sa magkapatid na mambabatas na sina Rep. Eric at Edvic Yap.

Sa isang video, sinabi ng Pangulo na kaugnay ito ng pagkakasangkot ng mga nabanggit sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Pangulong Marcos, aabot sa mahigit P16 bilyon ang naging transaksyon ng Silverwolves Construction Corporation sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na karamihan ay flood control.

Saklaw ng freeze order ang 280 bank accounts, 22 insurance policies at tatlong securities accounts ng mga ito maging ang walong aircrafts na konektado sa Sky Yard Aviation Corporation.

Layon ng freeze order na hindi maibenta ang mga ari-arian at maibalik ang mga umano’y ninakaw na pondo sa taumbayan.

Sa kaparehong video, inanunsyo rin ni Pangulong Marcos na may walong tauhan ng DPWH sa Davao Occidental ang nagpadala ng liham na magsu-surrender sila sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kanilang mga kinakaharap na kaso.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay inirekomenda ng pamahalaan sa Ombudsman ang pagsasampa ng kaso ng kaso kay Sarah Discaya at iba pa kaugnay sa nadiskubreng ghost project sa lugar.

Tiniyak naman ng Pangulo na magpapatuloy ang imbestigasyon at mapanagot ang mga dapat managot. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *