Businessman na kinidnap, nailigtas; pinsan at 2 kasabwat, arestado

Inaresto ang pinsan ng biktima at dalawang hinihinalang kasabwat sa kidnapping na naganap sa Cabanatuan matapos mailigtas ang 59-taong gulang na businessman noong Lunes, January 26.

Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) Provincial Director Col. Heryl Bruno, dinukot ang negosyante bandang alas-7:52 ng umaga, pagkarating nito sa kanyang warehouse.

Tinutukan umano ng baril ang biktima bago ito puwersahang ipinasok ng mga suspek sa loob ng sariling sasakyan at kalauna’y humingi ng P5-milyon na ransom kapalit ng kanyang pagtakas.

Dalawang residente ang dinala sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center matapos mahagip sa hit-and-run na kinasasangkutan ng red pickup truck.

Pagkatanggap ng report, agad na naglunsad ng joint operation ang pulisya para hulihin ang mga suspek.

Nailigtas ang biktima sa Barangay Bakod Bayan, kasama ang red pickup truck nito na na-recover ‘di kalayuan sa kung nasaan ang negosyante.

Nahuli sa San Miguel, Bulacan ang pangunahing suspek matapos nitong tangkain na ibenta ang mobile phone ng negosyante na may tracking app pala.

Kinilala ito bilang pinsan ng biktima na dati ring pulis.

Kalaunan, naaresto rin ang dalawa pang kasabwat sa Cabanatuan City at Palayan City.

Ang tatlong suspek ay kasalukuyang nakadetine sa Cabanatuan City Police Station at kinakaharap ang mga kaso sa ilalim ng Article 267 sa Revised Penal Code. | via Kimberly Reyel, D8TV News Intern

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *