AHMEDABAD, INDIA — Umabot na sa 294 ang kumpirmadong nasawi matapos bumagsak ang isang eroplanong Air India ilang minuto matapos itong lumipad mula sa Ahmedabad patungong London noong Huwebes, Hunyo 12.
Ang Boeing 787 Dreamliner, sakay ang 242 pasahero, ay bumagsak sa isang medical college hostel habang oras ng tanghalian. Kabilang sa mga nasawi ang mga estudyante sa gusali at dating Chief Minister ng Gujarat na si Vijay Rupani.
Isa lamang ang kumpirmadong nakaligtas, isang lalaking nakaupo malapit sa emergency exit na tumakbo palabas matapos ang pagbagsak.
Ayon sa awtoridad, nagbigay ng Mayday signal ang piloto bago tuluyang mawalan ng komunikasyon. Nakababa rin ang landing gear kahit hindi pa oras ng paglapag.
Iniimbestigahan na ang insidente ng mga lokal na awtoridad, US National Transportation Safety Board, at mga eksperto mula sa Boeing at GE Aerospace.
Ito ang pinakamalalang plane crash sa loob ng isang dekada.
Patuloy ang pagkolekta ng DNA mula sa mga kaanak para sa pagkilala sa mga bangkay, habang limitado pa rin ang operasyon sa Ahmedabad airport.
#D8TVNews #D8TV