Bonus at ₱5K cash gift, kasado na ngayong Nobyembre

Magandang balita sa mga empleyado ng gobyerno!

Ipapamahagi na ngayong Nobyembre ng Department of Budget and Management (DBM) ang year-end bonus at ₱5,000 cash gift, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro nitong Martes.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, maagang ipamimigay ang mga benepisyo bilang pasasalamat ng administrasyong Marcos sa dedikasyon at serbisyo ng mga kawani ng gobyerno sa buong bansa.

Layunin din ng maagang pamamahagi na magbigay ginhawa at suporta sa mga empleyado at kanilang pamilya bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Para sa fiscal year 2025, naglaan ang DBM ng ₱63.69 bilyon para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel, at ₱9.24 bilyon naman para sa cash gift.

Sasakupin nito ang mahigit 1.85 milyong kawani ng gobyerno sa buong bansa.

Dagdag pa ng DBM, ang hakbang na ito ay patunay ng pagkilala ng pamahalaan sa sipag, sakripisyo, at kabayanihan ng mga lingkod-bayan sa pagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Pilipino. | via Andres Bonifacio Jr.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *