Sa patuloy na imbestigasyon ng Bureau of Customs kaugnay sa kontrobersyal na flood control projects, pati mga kamag-anak ni Sarah Discaya ay damay na. Kabilang sa tinitingnan ngayon ay ang umano’y pag-aari ng mga luxury cars ng pamilya Discaya at kanilang mga kaanak, ayon iyan kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Kasama ng Land Transportation Office, sisiyasatin ng BOC kung nakapangalan sa mga sangkot ang nasa 80 mamahaling sasakyan na konektado umano sa proyekto.
Pero paglilinaw ng kawanihan, hindi lamang sa pamilya Discaya ito nakatuon, kundi bahagi ito ng mas malawak pang imbestigasyon.
Ayon kay Nepomuceno, hindi lamang luxury cars ang kanilang sisilipin, kundi lahat ng uri ng sasakyang posibleng ipinuslit sa bansa.
Samantala, tiniyak naman ng Bureau of Customs na walang makalulusot sa kanilang masusing imbestigasyon.
