BOC at ICI, itinanggi alegasyong sapilitang sinamsam ang 34 sasakyang konektado kay Zaldy Co

Iginiit ng Bureau of Customs (BOC) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ligal at tama ang isinagawang pagsamsam ng mga luxury car na iniuugnay kay dating Rep. Elizaldy Co.


Ayon kay ICI special adviser Rodolfo Azurin, hindi sila ang kumuha ng mga susi ng umano’y 34 luxury vehicles, taliwas sa pahayag ng abogado ni Co na si Ruy Rondain.

Aniya, hindi rin makatuwiran na may iisang taong may hawak ng 34 susi.


Dahil sa isyung ibinangon ng kampo ni Co at sa banta nitong magsampa ng kaso, sinabi ng ICI na susuriin nila ang posibleng karagdagang 34 sasakyan na hindi sakop ng naunang search warrant.

Sa ngayon, walong sasakyan pa lamang ang nasamsam ng BOC noong Enero 8 sa BGC, Taguig, dahil sa umano’y paglabag sa importasyon at hindi nabayarang buwis.


Paliwanag ni Azurin, may impormasyon ang ICI na 15 sasakyan ang target, kaya may tanong kung saan nanggaling ang bilang na 34. Gayunman, sinabi niyang handa silang i-verify ang bagong impormasyong ibinigay ng abogado ni Co.


Samantala, sinabi ni BOC Deputy Chief of Staff Chris Noel Bendijo na naka-body cam ang buong operasyon at maayos ang implementasyon ng search warrant, na pinirmahan din ng mga abogado ng may-ari. Giit naman ni Rondain, kinuha raw ang mga susi dahil sa LTO “alarm” notice sa mga sasakyan.


Si Co ay isa sa mga sentrong personalidad sa anomalya sa flood control, at nasampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan noong Disyembre 2025. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *